Sunday, October 17, 2010

inLIMBO

pagkalipas ng ilang buwan dito sa bagong langit ko, masaya akong banggitin na paunti-unting nagsisimula ang pag buo ng bagong mga kaibigan.  aaminin ko, hirap akong bumuo ng bagong mga kakampi dito. hindi ko lubos maintindihan pero mismong puso ko ang bumubulong na takot itong ibukas ang sarili ng buong-buo. nararamdaman ko ang takot sa bawat pag sisikap na ginagawa para sagutin ang mga tanong na binibitawan nila.

"bakit ka nga ba umalis ng naga? bakit mas pinili  mong mag umpisa dito kahit mukhang hirap ka at hindi ka masaya?"

ang walang kamatayang tanong ng mga tao sa bagong paligid ko. at sa tuwing itatanong ito, bumabagal ang ikot ng mundo ko, pipilitin na ngumiti, magbubuntong hininga, at bibigkasin na pabulong.. dahil iyon lang ang alam kong tamang gawin sa mga oras na iyon... dahil takot akong makita ang mga araw na darating pa..

makikita ang nalilitong expression ng mga mukha nila.. mapapailing na lang at wari'y kahit may mga gusto pang itanong, naiintindihan nilang mainam na   hwag na lang.. dadaan ang anghel ng ilang segundo, hanggang may isang magpipilit na bumuo ng panibagong pag uusapan...

masaya ang mga taong nasa bagong lungga.. at nararamdaman kong pinipilit din nila akong sabayan sa bawat araw ko.. at sa tuwing nasisilayan ko ang pagpasok ng gabi, pilit kong hinahanap ang sagot sa nag iisang tanong ko pa rin sa sarili ko.. bakit hanggang ngayon?

sabi ni Seth kagabi, hindi naman daw ako tanga.. hindi lang daw ako nag cocooperate..

ayon naman kay Pusong Matapang,"maybe you're using wrong maps,, or maybe you're confusing avenues and streets,, or maybe even roadsigns are confusing you.. follow your heart instead, it will surely take you where you want to go.."

tama si Seth, hindi ko pa rin madisiplina sarili ko sa mga kilos at desisyon ko.. hindi ko naman maintindihan si Pusong Matapang dahil simula't simula naman, hindi ako natigil sa pakikinig sa sinasabi at natatanging alam ng puso ko..

mali nga ba ang mapang tinitingnan ko? nalilito pa rin nga ba ako sa pagbasa ng mga pangalan ng mga daan na dapat kong puntahan? hanggang kailan ba maliligaw ang dating pusong malaya?

kung sa marathon lang, talong-talo na ako.. sabi sa Party Pilipinas, 7 months and counting.. kelan ba matatapos ang counting...

dagdag pa rin ni Pusong Matapang, maligaw man daw, ang mahalaga walang sukuan..

ang totoo, minsan iniisip ko kung paano ba kung itaas ko na ang puting bandila? paano kung piliin ko na lang na tumingala sa langit, tingnan sa huling pagkakataon ang buwan at mga bitwuin, ngumiti, baunin ang huling salitang ibinigkas, ipikit ang mata at pagkatapos ay hayaan na sumama ang kaluluwa sa hangin...

minsan iniisip ko iyon..
minsan iyon ang pakiramdam kong tanging nag iisang sagot sa matagal ko ng tanong.. bakit hanggang ngayon?

101710sunday

2 comments:

  1. Hindi ko alam kung anong malinaw na dahilan sa mga sanga-sanga mong tanong, pero batid ko ang hirap at sikip ng pinagdaraanan mo.

    Eto naman ang saloobin ko; kung maligaw ka man ng ilang beses subukan mong hanapin ang daan pauwi. Isipin mo ang kaligayahan na maaari mong maramdaman sa oras na maibalik ka ng iyong mga paa sa nakasanayang kublian.

    Hindi masamang tumingala at sulyapan ang napakagandang langit paminsan minsan, pero ganunpaman subukan mo pa ring tingnan ang lupang iyong dinaraanan. Ang tamang mapa ay isa lamang sa napakaraming ilusyon sa buhay, hindi mo ito kailangan. Ang kailangan mo ay isang sako ng lakas ng loob at isang dosenang tiwala sa sarili na hanapin ang bagay na pilit mong hinahanap, na magpapaligaya sa'yo.

    Isang magandang gabi sa'yo.

    ReplyDelete